Ipinakita ng tanggapan ng City Mayor’s Office-Gender and Development (CMO-GAD) ang mga organikong produkto ng lungsod ng Iligan sa Organic Asia Conference sa Kauswagan, Lanao del Norte.
Ayon kay GAD Chairperson Renefe Padilla, pagkakataon ito para makilala ng ibang lungsod at bansa ang produkto, gayundin ang posibilidad na makahanap ng mga interesadong mamimili.
Ipinakita nila ang organic tablea, suka, honeymansi, papaya soap, 7 in 1 coffee, at papaya pickles.
Ayon kay Padilla, masaya silang naimbitahan ang kanilang opisina na ipakita ang mga produktong gawa ng kababaihan sa lungsod ng Iligan.
Nagpakita rin ng mga produktong kawayan ang City Agriculturist’s Office (CAO).
Nagpahayag ng suporta si Iligan City Mayor Frederick Siao na siyang chairman ng Economic Development Committee ng Regional Development Council -10. Naniniwala ang Alkalde na ang pag-unlad ng mga katabing bayan ay makakatulong din sa pag-unlad ng ekonomiya ng Iligan.
Ang 6th International Organic Congress ay isang pandaigdigang pagtitipon na dinaluhan ng 32 na bansa na isinusulong ang organic agriculture at paggamit ng organic products na nagsimula noong June 4 at hanggang June 10, 2023. | ulat ni Jay Ritchie Mikin | RP1 Iligan