Nakapagtala ng 59 na rockfall events at isang volcanic earthquake ang bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang rockfall events ay napadpad sa Southern portion at Southeastern gullies sa loob ng 1,500 metro mula sa bunganga nito.
Nakitaan pa rin ito ng katamtaman at tuloy-tuloy na degassing activity mula sa crater na lumikha ng steam-laden plumes.
Napansin din kagabi ang crater glow o banaag sa paligid ng summit lava dome ng bulkan.
Abot naman sa 417 toneladang sulfur dioxide ang ibinuga nito kahapon.
Paalala pa ng PHIVOLCS, nanatiling nakataas sa alert level 3 ang Mayon Volcano at hindi isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng pagsabog. | ulat ni Rey Ferrer