Naniniwala si Iligan City Mayor Frederick Siao na sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan ng organikong agrikultura ay mapapaunlad nito ang ekonomiya at maiangat ang kabuhayan ng mga tao.
Dagdag pa ng alkalde na ang organic agriculture ay magsisilbing pag-asa sa pag-ahon ng napipinsalang kapaligiran, climate change, at pagbabawas ng mga likas na yaman sa ating mundo.
Ito ang ipinahayag ni Mayor Siao sa ginanap na Mayor’s Night sa International Organic Convention Center, Kauswagan, Lanao del Norte noong Hunyo 8, 2023 kung saan ang lungsod ng Iligan ang host.
Sinabi ng alkalde na ang Organic Asia Congress ay hindi basta-bastang event, kundi ito ay isang patunay sa mga pangakong paunlarin ang agrikultura.
Ito rin ay magsisilbing lakas para sa pakikipagtulungan ng bawat isa upang makamit ang nag-iisang layunin na patatagin ang organic agriculture sa Asya at sa buong mundo.
Aniya may kapangyarihan ang lahat para hubugin ang kinabukasan ng organic agriculture.
Hinihikayat ni Mayor Siao na palakasin ang sektor ng mga kabataan, mga kababaihan at iba sa pagtitiyak magkakaroon sila ng kaalaman patungkol sa organic agriculture.
Si Siao na chairperson din ng Economic Development Committee ng Regional Development Council (RDC) – 10 ay nagpasalamat at binati si Kauswagan Mayor Rommel Arnado sa matagumpay na pagsagawa ng prestihiyosong aktibidad.
Nagsimula ang 6th Organic Asia Congress noong Hunyo 4 hanggang Hunyo 10, 2023 na tinatayang 1,300 ang dumalo mula sa 32 bansa. | ulat ni Sharif Timhar Majid | RP1 Iligan