Alinsunod ng pagtaas sa alert level status 3 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bulkang Mayon at pagsasailalim sa lalawigan sa State of Calamity noong Biyernes, June 9 ay nagpalabas naman ng abiso ang ahensya ng Department of Trade and Industry (DTI) ukol sa pagpapatupad ng price freeze sa lahat ng pamilihan sa Albay.
Sa memorandum ng DTI Albay noong June 9, pinaalalahanan ang lahat ng mga pamilihan sa lalawigan na sumunod sa mga probisyon ukol sa Automatic Price Control na nakapaloob sa Price ACT o RA 7581.
Sa ilalim ng probisyon, itatakda ang presyo ng basic commodities ayon sa prevailing prices sa loob ng 60 araw.
Nagbigay din ng babala ang kagawaran na anumang paglabag sa naturang batas ay lalapatan ng kaukulang aksyon.
Sakop ng price freeze ang lahat ng wet markets, supermarkets, groceries, bakeries, hardwares at water refilling stations sa lugar.
Ang advisory ay epektibo noong June 9 at may lagda ni DTI Albay OIC-Provincial Director Noel Bunao. | ulat ni Twinkle Neptuno | RP1 Albay