Kasabay ng paggunita ng ika-125 na Kalayaan ng Pilipinas, sasabak sa dalawang araw na paglalayag papuntang Pag-asa Island ang BRP Francisco Dagohoy mula sa Puerto Princesa City.
Ang multi-mission offshore civilian patrol vessel na pinatatakbo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay maghahatid ng suportang pangkabuhayan sa mga residente ng Pag-asa Island .
Ayon kay BFAR National Director Demosthenes Escoto, abot sa ₱4.95 million ang halaga ng mga equipment at capacity-building programs ang ihahatid doon.
Ang mga kagamitan ay kinabibilangan ng mga fish stall, fish container, plastic floaters, twines, lead sinker, at deep sea payao.
Kasama rin ang post-harvest equipment tulad ng blast freezer, ice cooler, industrial weighing scale, crate storages, seawater flake ice machine, at generator set.
Bago tumulak, nagsagawa ng send-off ceremony ang BFAR sa Oyster Bay Naval Base sa Brgy. Macarascas, Puerto Princesa City. | ulat ni Rey Ferrer