Hinimok ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Atty. Monalisa Dimalanta ang iba’t ibang power distribution utilities, na gayahin ang ginawang bill deposit refund ng More Electric and Power Corporation (More Power).
Ito ay matapos purihin ni Dimalanta ang More sa maayos nitong pamamalakad, at pagsunod sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers kasunod ng ipinatupad na bill deposit refund sa kanilang mga customer, at pagkakaroon ng mababang power rate sa bansa.
Ayon kay Dimalanta, ang ginagawa ng More Power ay dapat na sundan ng distribution utilities (DUs) o mga electricity provider sa buong bansa.
Sinabi ni Dimalanta, na kung kayang gawin ng More Power ang ganitong maayos na sistema ay dapat ganun din sa ibang Dus.
Aniya, patuloy ang ginagawang monitoring ng ERC upang matiyak ang resonableng presyo ng kuryente alinsunud sa probisyon ng Republic Act 9136 o Electric Power and Industry Reform Act (Epira Law).
Matatandaan, na sa loob ng magkakasunod na anim na buwan ngayong taon ay bumaba ang singil sa kuryente ng MORE Power para sa mga residente na sineserbisyuhan nito sa Iloilo City.
Positibo ang More Power, na patuloy pa ang pagbaba ng kanilang singil sa kuryente hanggang sa pagtatapos ng taon.
Ipinaliwanag ni Niel Parcon, MORE Power Vice President for Corporate Planning and Regulatory Affairs, na dalawa sa naging malaking factor sa pagbaba ng presyo ng kuryente ay pagbili nila ng geothermal energy mula sa geothermal plant ng Energy Development Corp sa Leyte, at ang pagbaba din ng presyo ng coal sa World Market mula sa $488 per ton ay naging $200 per ton. | ulat ni Lorenz Tanjoco