Pormal nang umupo bilang bagong Director General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) si Sec. Suharto Mangudadatu ngayong araw.
Ito’y kasunod ng isinagawang turn-over ceremony o paglilipat ng kapangyarihan mula kay dating Director General Danilo Cruz sa punong tanggapan ng TESDA sa Taguig City.
Dito, inilatag ni Sec. Mangudadatu ang kaniyang 10 point agenda para sa susunod na 6 na taon ng kaniyang termino tulad ng pagbaba ng TESDA sa mga barangay.
Gayundin ang pagrepaso sa kanilang training regulations at pagbibigay prayoridad sa kanilang Technical and Vocational Education and Training (TVET) Program.
Layon aniya nito na maorganisa ang ibinibigay na scholarship program sa mga kabataan at maiakma ito sa kani-kanilang kakayahan.
Makikipag tie-up din ang TESDA sa mga Sangguniang Kabataan upang matulungan ang mga out-of-school youth na magkaroon ng hanap-buhay na magiging daan naman upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makapagtapos sa mga karera nilang nais tahakin.| ulat ni Jaymark Dagala