Gaganapin sa lungsod ng Iloilo ang unang Central Philippines Tourism Expo.
Sa Hunyo 16, magtitipon-tipon sa lungsod ang Central Philippines regions na kinabibilangan ng tatlong rehiyon sa Luzon; ang CALABARZON, MIMAROPA, at BICOL Region; at tatlo rehiyon ng Kabisayaan; ang Central, Eastern, at ang host region, Western Visayas.
Ito ay para ipakilala ang mga ipinagmamalaking tourism products ng bawat rehiyon na bumubuo ng Central Philippines cluster.
Katuwang ng ahensya sa aktibidad ang Iloilo MICE (meetings, incentives, conventions, exhibits) Alliance.
Ayon kay DOT-6 regional director Crisanta Marlene Rodriguez, ang pag-host ng lungsod ay makatutulong sa hangaring isulong ang Iloilo bilang MICE destination ng bansa.
Nasa 2000 tourism stakeholders ang inaasahang dadalo sa CPT Expo sa Iloilo Convention Center na magtatagal ng tatlong araw.
Asahan din sa aktibidad ang regional launching ng “Bisita, Be My Guest” program. | ulat ni Hope Torrechante| RP1 Iloilo