Hindi nakaligtas ang pananim ng mga residente malapit sa Bulkang Taal nang magbuga ito ng mapanganib na sulfur dioxide kamakailan.
Kwento ni Mr. Alvin Marasigan ng Caked Plant Nursery, nagdulot ng butas sa dahon ng ibinebenta niyang fruit bearing plants ang ibinugang gas ng Bulkang Taal.
Wala aniya siyang choice kundi kalbuhin ito, alisin ang mga apektadong dahon, dahil kapag hindi naagapan ay maaari itong maging dahilan ng pagkamatay ng halaman.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang sulfur dioxide flux ng bulkan, lalo na kapag nasama sa ulan na siyang nagiging acid rain, ay may masamang epekto sa halaman at metal na bubong at bahay o gusali.
Sa patuloy na pagbaba ng pagbuga ng sulfur dioxide flux ng Bulkang Taal ay masigla nang muli ang negosyo ng pagbebenta ni Mr. Marasigan ng mga pananim gaya ng calamansi, longgan, pomelo, sweet catimon, iba’t ibang variety ng palm tress, at gian jujube na dinarayo pa ng mga mamimili. | ulat ni Hazel Morada