Posibleng matalakay na sa plenaryo ng Kamara sa pagbabalik sesyon ang panukalang magtatatag ng mga disaster food bank at stockpile sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 8463 o Disaster Food Bank and Stockpile Act, ay magtatayo ng imbakan ng food supplies na magagamit tuwing may kalamidad sa bawat probinsya at urbanized city.
Sa pamamagitan nito ay matitiyak na mayroong nakahandang suplay ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan sa pagtama ng kalamidad.
Pangungunahan ng NDRRMC at DSWD ang pagtukoy at pagtatayo ng stockpile sa mga istratehikong lokasyon upang matiyak ang accessibility nito para sa lahat ng bayan sa isang rehiyon.
Titiyakin din na ligtas mula sa anumang contaminants ang pagtatayuan ng stockpile at hindi isasapubliko.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magdidisenyo at magtatayo ng mga calamity-proof warehouse kung saan itatago ang mga suplay.
Makalipas naman ang 12 buwan, kung hindi magamit ang stockpile ng pagkain ay maaari nang ipamigay ng DSWD sa indigent communities ang naturang food supplies. | ulat ni Kathleen Jean Forbes