Ibinahagi ng Pilipinas ang mga best practices at binigyang-diin ang mga hakbang nito na protektahan ang mga kabataan sa mga armadong labanan sa Conference on Protecting Children in Armed Conflict na ginanap sa Oslo noong nakaraang linggo.
Ayon kay Philippine Ambassador to Norway Enrico Fos na namuno sa delegasyon, nakatuon ang bansa na ilayo ang mga bata mula sa mga armadong labanan, iligtas ang mga ito sa pagsasamantala ng mga armadong grupo, at bigyan sila ng avenue para sa positibong paglago at pagbabago.
Sinabi rin ni Defense Senior Military Adviser Brigadier General Alvin Luzon, kinikilala rin ng Pilipinas ang malaking papel na maaaring gampanan ng edukasyon sa pagbibigay ng proteksyon para sa mga batang apektado ng kaguluhan at pagtulong na na pigilan ang recruitment ng mga armadong grupo.
Ayon naman kay Norwegian Foreign Minister Anniken Huitfeldt, maglalaan sila ng isang bilyong norwegian krone o tinatayang aabot ng US$91.3-million sa susunod na tatlong taon upang itaguyod at protektahan ang mga kabataan mula sa armadong labanan. | ulat ni Gab Humilde Villegas