Nagpalabas na rin ng kautusan ang Pamahalaang Bayan ng Pateros bilang paghahanda sa nakaambang transport strike o tigil-pasada ng ilang grupong pang-transportasyon sa susunod na linggo.
Ayon kay Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce, ipinauubaya na nila sa pamunuan, principal o administrador ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bayan kung sususpindehin ang kanilang face-to-face classes o magpapatupad ng online classes.
Naniniwala kasi ang alkalde na ang epekto ng tigil-pasada ay magiging limitado lamang sa mga estudyante sa high school at kolehiyo na hindi residente ng bayan bagaman, maaari naman silang ihatid ng mga tricycle.
Wala rin aniya silang nakikitang problema sa mga mag-aaral sa elementarya dahil sa malapit lamang ang kanilang tahanan sa mga paaralan at kaya namang lakarin.
Gayunman, bilang paglalatag ng contingency measures, sinabi ni Mayor Ponce na magpapakalat pa rin sila ng 3 sasakyan na mag-aalok ng libreng sakay para sa mga maaapektuhang pasahero sa kanilang bayan. | ulat ni Jaymark Dagala