Kinumpirma ng Embahada ng China sa Pilipinas ang pagdaong ng Chinese Navy Training Ship na Qi Jiguang Pier 15, South Harbor sa Maynila, ngayong araw.
Batay sa pahayag ng Embahada, sinalubong ang naturang barko ng People’s Liberation Army-Navy ni Ambassador Huang Xilian, mga opisyal ng Philippine Navy at Filipino-Chinese Community sa Pilipinas.
Ayon sa Chinese Embassy, magtatagal hanggang sa Sabado, Hunyo 17 ang Chinese Naval Traing Ship na kasalukuyang nasa goodwill visit.
Lulan ng nasabing barko ng Tsina ang may 450 tripolante ng People’s Liberation Army-Navy, na inaasahang lalahok sa iba’t ibang friendly match sa Philippine Navy.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinuntahan ng naturang Chinese Navy Ship na umiikot din sa iba’t ibang bansa sa Timog Silangang Asya.
Bukas din sa publiko ang naturang barko, na maaaring bisitahin sa piling oras mula ngayong araw hanggang sa Biyernes, Hunyo 16. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Chinese Embassy