Nakapag-deploy na ng humigit-kumulang 38,000 food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Albay.
Ang mga food packs ay kayang pagsilbihan ang tinatayang 8,000 pamilya sa loob ng 15 araw.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, matapos balikatin ng DSWD ang 15 araw na family food packs, ang pamahalaang panlalawigan ng Albay naman ang magpapakain sa mga apektadong pamilya sa loob ng anim na araw.
Kapag natapos ang panahong ito sa ika-21 araw, muli na namang magbibigay ng food packs ang ahensiya para sa isa pang 15 araw.
Paliwanag pa ng kalihim, kung sakaling tatagal pa ng 90 araw ang pag aalburoto ng Bulkang Mayon ay muli silang makikipagpulong sa local government units para gumawa ng susunod na hakbang.
Kinokonsidera na rin nito ang pagbibigay ng financial assistance para matugunan ang pangangailangan ng nursing mothers, mga bata at senior citizens.
Pagtitiyak pa ng kalihim na patuloy pang maghahatid ng family food packs ang DSWD para sa kabuuang target na 102,000 boxes. | ulat ni Rey Ferrer