Tuloy-tuloy ang pag-agapay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ngayon ng Bulkang Mayon.
Batay sa pinakahuling ulat ng DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of June 14 ay umakyat na sa halos ₱40-million ang halaga ng relief assistance na naipamahagi na sa mga apektado sa Albay partikular sa mga pamilyang kinailangang ilikas.
Kasama sa ipinamamahagi nito ang family food packs na may lamang anim na kilo ng bigas, siyam na de lata, kape, ready to eat na oatmeal at isang food box, mayroon ding non food items gaya ng hygiene kits para sa mga pamilyang nananatili sa evacuation centers.
Una na ring inihayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakapag-deploy na rin ito ng humigit-kumulang 38,000 food packs sa lalawigan ng Albay na kayang pagsilbihan ang nasa 8,000 pamilya sa loob ng 15 araw.
Sa kasalukuyan, ay aabot na higit 38,000 indibidwal ang apektado ng Mayon unrest kung saan nasa 5,000 pamilya o katumbas ng 18,576 na indibidwal ang nananatili sa evacuation centers. | ulat ni Merry Ann Bastasa