Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang pananambang na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pulis na nagsasagawa lang ng kanilang regular na pagpatrolya sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur kagabi.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Public information Office Chief Police Brigadier General Red Maranan na hindi titigil ang PNP hanggat hindi nakakamit ang hustisya para sa mga pamilya nina Patrolman Saiponden Shiek Macacuna at Patrolman Bryan Polayagan.
Sa ngayon, sinabi ni Maranan na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek pero tiwala naman silang makikilala din ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Katuwang ng Police Regional Office (PRO) BAR ang Special Action Force sa malawakang imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek.
Maliban sa dalawang pulis na nasawi, sugatan din sa pananambang ang apat na pulis na sina: Patrolman Arjie Val Loie Pabinguit, Patrolman Abdulgafor Alib, Police Staff Sgt. Benjie Delos Reyes, at Police Chief Master Sgt. Rey Vincent Gertos. | ulat ni Leo Sarne
📸: PNP