Iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nananatiling ligtas at operational ang mga paliparan sa ilalim ng kanilang pamamahala sa ilang bahagi ng katimugang Luzon.
Ito ayon sa CAAP ay kasunod ng pagtama ng Magnitude 6.2 na lindol sa Calatagan, Batangas kaninang umaga, kung saan naramdaman ang pagyanig hanggang sa Metro Manila at ilang karatig lalawigan nito.
Sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio, kabilang sa mga isinailalim sa kagyat na pagsusuri ay ang mga pailiparan tulad ng Calapan at Pinamalayan Airport sa Oriental Mindoro, at Jomalig Airport sa Quezon.
Gayundin sa Lubang at Mamburao Airport sa Occidental Mindoro; Sangley Airport sa Cavite; Clark Tower sa Pampanga at Subic Tower gayundin ang Airport nito sa Zambales.
Gayunman, patuloy na nakabantay ang CAAP sa aftershocks na patuloy pa ring nararanasan sa ilang lugar sa Southern Luzon batay na rin sa abiso ng PHIVOLCS. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: CAAP