Nais na matiyak ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na hindi malalagay sa alanganin ang seguridad ng mga Pilipino, sa anumang arrangement o kasunduan na papasukin ng ating gobyerno sa ibang bansa.
Tinutukoy ng senador ang sinasabing plano na pahintulutang manatili pansamantala dito sa Pilipinas ang ilang Afghan refugees habang nagproproseso sila ng immigration visa.
Ayon kay Go, bagamat hindi masamang magpaabot ng humanitarian aid sa ibang bansa ay mahalagang timbangin muna kung ang gagawing plano ay makakaapekto sa seguridad ng ating bansa.
Sa kabilang banda sinabi ng senador na miyembro rin ng Senate Committee on Foreign Relations, na kailangan ring mapakinggan ang panig ng lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa naturang plano.
Inalala ng senador, na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pinayagan na rin ang pagpapatuloy ng Afghan refugees sa Clark dahil sa nangyari sa kanilang bansa noon.
Bukas, nakatakdang talakayin ng Senate Committee on Foreign Relations ang naturang plano na pagpapatuloy sa mga Afghan refugee. | ulat ni Nimfa Asuncion