Napigilan ng mga tropa ng Joint Task Force Central ang tangkang pagpapasabog sa Cotabato nang matagpuan nila ang isang improvised explosive device o IED kahapon ng umaga sa Sitio Proper, Inug-ug, Pikit, Cotabato.
Natagpuan ang IED matapos rumesponde ang mga tropa sa ulat na may itinanim na pampasabog sa tabi ng barangay road sa naturang lugar.
Agad kinordon ng mga tropa ang lugar at nakipag-coordinate sa 33rd Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team.
Narekober ng EOD team ang “unexploded ordinance”, wire, at isang 9-volt battery, na dinala sa headquarters para inspeksyunin.
Sinabi ni Western Mindanao Command Chief, Lt. Gen. Roy Galido na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon para malaman kung sino ang responsable sa tangkang pananakot sa mga sibilyan.
Tiniyak ni Galido na patuloy na magsasagawa ng “pre-emptive measures” ang militar para mapigilan ang tangkang panggugulo ng mga nalalabing terorista sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne