Tiniyak ng Department of Trade and Industry o DTI na nananatiling sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan ng Albay.
Inihayag ito ni Trade Sec. Alfredo Pascual makaraang ipag-utos niya ngayong araw ang pagpapatupad ng ‘price freeze’ sa Albay makaraang isailalim ito sa ‘state of calamity’.
Ayon sa Kalihim, tuloy-tuloy ang kanilang pakikpag-ugnayan sa mga manufacturer ng pangunahing produkto upang masiguro na sasapat ito.
Sa ilalim ng ‘price freeze’, magiging status quo ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin sa Albay tulad ng sabong panligo, sabong panlaba, tinapay, mantika, de lata, instant noodles, kandila at iba pa.
Dahil dito, hinimok ni Pascual ang mga taga-Albay na maging mapagmatyag at i-ulat sa kanila ang sinumang mananamantala sa sitwasyon. | ulat ni Jaymark Dagala