Gugulong na ang 7,000 kaso na inihanda ng Commission on Elections (COMELEC) laban sa mga indibidwal na may doble-dobleng voter’s record.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco na sa kabuuan nasa 480,000 ang bilang ng mga naitalang doble ang registration.
Gayunpaman, karamihan sa mga ito ay iyong mga record na hindi lamang nabura makaraang lumipat ng ibang presinto ang mga botante.
Nasa 120,000 aniya ang nakita nila na sinadya na magdoble ng registration sa ilalim ng magkaibang pangalan, ngunit iisang fingerprints.
“Sasampahan namin ng kaso na election offense iyong mga makikita namin na sinadya talaga na magrehistro muli. Ang election offense ay may parusang anim na taong pagkakakulong; mayroong forfeiture ng right to suffrage, hindi na makakaboto; at higit sa lahat, mayroong perpetual disqualification to hold public office, so hindi na sila makakatakbo sa anumang halal na posisyon or appointee position.” — Laudiangco
Ayon sa opisyal, dahil gumugulong pa lamang ang kaso makabu-boto pa rin ang mga indibidwal na ito sa kanilang dating presinto.| ulat ni Racquel Bayan