Naglaan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng P6.47 billion para sa patuloy na pag-upgrade ng substation facilities nito sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng isinasagawang substation reliability projects, mas magiging mahusay ang performance ng grid.
Karamihan dito ay sinimulan na mula taong 2016 ngunit hindi pa nakatatanggap ng provisional approval mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Mula nang simulang hawakan ng NGCP ang transmission operations noong 2009, naglaan ito ng P3.289 billion para i-upgrade ang nasa 15 substations nito sa Taytay, Biñan, Quezon, Abaga, Mexico, San Jose, Sucat, Compostela, Davao, Ormoc, Naga, Araneta, Agus 2, Calaca, Agus 6, at Tiwi A at C.
Ito ay para matugunan ang tumataas na pangangailangan sa kuryente at para mapagtibay ang transmission system.
Nagpatupad din ng power transformer replacements ang NGCP, para palitan ang mga lumang transformer na na-install bago pa isinapribado ang pamamahala sa grid.
Mula 2018 hanggang 2021, nasa 33 transformers ang pinalitan ng NGCP at pinaganda nito ang takbo ng operasyon sa mga substation.
Nasa 12 transformer ang pinalitan sa North Luzon, 4 sa NCR, 5 sa South Luzon, 3 sa Visayas, at 9 sa Mindanao na may kabuuang halaga na Php1.8 billion. | ulat ni Rey Ferrer