Nakipagpulong si Basilan Representative Mujiv Hataman kay Energy Secretary Raphael Lotilla upang ilapit ang problema ng Basilan pagdating sa suplay ng kuryente.
Partikular aniya dito ang lumalalang power outages sa lalawigan kung saan mas matagal pa ang oras na brownout kaysa sa may kuryente.
Aniya, kailangan masolusyunan ang naturang problema na nakaka-apekto na sa serbiyso ng gobyerno at negosyo.
Malaki naman ang pasasalamat ni Hataman na napaunlakan ni Lotilla ang pakikipagpulong na aniya ay naging produktibo dahil sa mga nailatag na posibleng tugon at solusyon.
“Natutuwa tayo na pinaunlakan ni Secretary Raphael Lotilla ng Department of Energy ang ating hiling na makausap siya at makipagpulong para humingi ng tulong sa sitwasyon ng Basilan. Bukod sa nagiging balakid na sa progreso ng lalawigan ang madalas na power outages, malaking perwisyo rin ito hindi lang karaniwang mamamayan, kundi pati na rin sa pamahalaan at mga namumuhunan,” ani Hataman.
Muli namang binigyang-diin ni Hataman ang panawagan na imbestigahan na ng Kongreso ang nangyayaring krisis sa kuryente sa kanilang probinsya at pagpaliwanagin aniya ang mga kinatawan ng BASELCO, National Power Corporation – Small Power Utility Group at iba pang ahensya para alamin kung bakit tumagal ng ilang taon ang naturang problema. | ulat ni Kathleen Jean Forbes