Nais ni Cagayan de Oro Representative Lordan Suan na pahabain ang validity ng motor vehicle registration.
Sa kaniyang House Bill 8438, sinabi ni Suan na sayang sa oras ang taon-taong pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Kaya naman kung maisabatas ay bawas aniya ito sa stress at gastos ng mga nagpaparehistro ng kanilang sasakyan.
Nakapaloob sa panukala, na ang validity period ng certificates of registration ng mga sasakyan ay gawing limang taon para sa brand new na motor vehicle, at tatlong taon naman para sa mga motorsiklo.
Kung higit naman ito sa pitong taon, ang validity period ay magiging tatlong taon; gagawin naman dalawang taon ang validity para sa mga sasakyan na walo o siyam na taon na ang tanda; at kung sampung taon o higit pa ang tanda ng sasakyan ay magiging taon-taon ang pagpaparehistro.
Magiging tatlong taon na rin ang validity ng mga motorsiklo na may pitong taon na ang tagal, at magiging taun-taon naman ang registration kung ang motorsiklo ay walong taon o higit pa ang tagal.
Sa kasalukuyan, taon-taon ang pagpaparehistro ng sasakyan maliban na lamang sa mga brand new o bagong bili na may 3-year validity period. | ulat ni Kathleen Forbes