Nagpatupad ng limitadong operasyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP sa Awang Airport sa Cotabato City.
Ito’y dahil sa mga nakitang bitak sa aspalto ng runway sa nasabing paliparan na peligroso para sa mga dumaraang eroplano roon.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, naglabas sila ng Notice to Airmen o NOTAM hinggil dito epektibo 5:10 PM kahapon, Hunyo 21 at posibleng magtagal hanggang 5 ng hapon ng Agosto 18.
Mula 7 ng umaga hanggang 11:59 ng gabi lamang maaaring maglanding at mag-takeoff ang iba’t ibang eroplano maliban sa Airbus.
Layon nito na bigyang daan ang gagawing asphalt overlay o pagsasaayos sa runway mula alas-12 ng hatinggabi hanggang 5 ng umaga.
Gayunman, posible umanong mapaaga pa sa Agosto 2 ang full operations kung matatapos sa oras ang gagawing pagkukumpuni sa runway.
Kaya naman nag-anunsyo ang iba’t ibang airline company na i-divert ang kanilang biyahe patungong Cotabato sa Davao International Airport. | ulat ni Jaymark Dagala