Umapela si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa Manila International Airport Authority (MIAA) na huwag muna ipatupad ang planong pagbabago sa terminal assignment ng mga airline company.
Aniya, bagamat maganda ang intensyon ng Schedule and Terminal Assignment Rationalization (STAR) program ay napalala pa rin nito ang passenger congestion sa NAIA.
Inihalimbawa nito ang naging sitwasyon noong nakaraang linggo sa NAIA terminal 1 kung saan mas humaba ang pila, matapos ilipat doon ang lahat ng international flight ng Philippine Airlines mula sa Terminal 2.
Hindi rin aniya nakakatulong at makatwiran na papuntahin ng tatlong oras na mas maaga sa kanilang departure flight ang mga pasahero, dahil lalo lang din silang naiipon.
Hirit ni Villafuerte, aralin muna dapat ulit ng MIAA ang STAR para plantsahin ang gusot sa pagpapatupad nito.
Maliban sa flight ng PAL kabilang sa mga pagbabago dahil sa STAR ang paglipat ng AirAsia Philippines, ang domestic operation nito sa Terminal 2 simula sa July 1 upang mabawasan ang biyahe sa Terminal 4.
Mananatili naman ang international flight nito Terminal 3.
Ang domestic flight din ng Cebu Pacific ay mananatili sa Terminal 3 habang ang mga turboprop aircraft nito sa ilalim ng Cebgo ay nasa Terminal 4.
Ang domestic flight naman ng Royal Air Philippines ay aalisin sa Terminal 4 at ililipat sa Terminal 2, samantalang ang Sunlight Air ay lilipat sa Terminal 4 mula sa General Aviation Area na nakareserba sa mga chartered flight. | ulat ni Kathleen Forbes