Wala pang pinal na desisyon ang pamahalaan kung pagbibigyan ang kahilingan ng Estados Unidos na tanggapin pansamantala sa Pilipinas ang ilang libong Afghans na nanganganib ang buhay sa naturang bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, kasabay ng pagsabi na ang magiging desisyon ng gobyerno ay nakadepende sa batas ng Pilipinas.
Nilinaw ni Teodoro na hindi “humanitarian considerations” ang magdedetermina ng desisyon ng pamahalaan, kundi ang legalidad ng naturang usapin.
Paliwanag ni Teodoro, hinihintay pa ang opinyon ng Department of Justice (DOJ) kung pinahihintulutan ito ng Immigration laws ng bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Teodoro na pinag-aaralan din ng pamahalaan ang lahat ng implikasyon ng pagpasok sa bansa ng libo-libong mga Afghan.
Pero binigyang-diin ng kalihim, na kung labag ito sa Immigration laws, ay wala nang dapat pag-usapan. | ulat ni Leo Sarne