Inaasahang matutugunan na ang backlog sa mga license card ng Land Transportation Office (LTO).
Kasunod ito ng paglagda ng kontrata ng nanalong bidder na Banner Plastic Cards Inc. at nabigyan na rin ng Notice to Proceed para sa 5.2 million na driver’s license plastic cards.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Administration and Finance Kim Robert de Leon, nasa isang milyon na plastic cards ang maide-deliver sa susunod na 60 araw simula June 26 bilang bahagi ng unang delivery ng Banner Plastic Cards Inc.
Dagdag pa ng opisyal nakikipag-ugnayan sila sa nanalong bidder para mai-deliver sa lalong madaling panahon ang plastic cards.
Matatandaang pinalawig ng LTO ang validity ng driver’s license na mapapaso simula April 24 hanggang October 31, dahil sa kakulangan ng supply ng plastic cards.
Nakatakda rin na maglunsad ng digitalized version para sa mga serbisyo nito gaya ng renewal of permits, online registration, at pagbabayad ng transaksyon sa ahensya. | ulat ni Diane Lear