GSIS, pumayag na pamahalaan ang pension ng mga military at uniformed personnel  

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ni Senador Jinggoy Estrada na pumayag na ang Government Service Insurance System (GSIS) na pamahalaan ang pension system ng military at uniformed personnel (MUP).

Ayon kay Estrada, ito ay base na rin sa kanyang pakikipag-ugnayan sa economic team ng administrasyon.

Bahagi aniya ito ng pakikipagdiyalogo ng senador sa iba’t ibang stakeholders, kaugnay ng pinapanukalang amyenda sa pension system ng mga MUP.

Sinabi rin ng Senate Committee on National Defense Chairperson, na maraming mga aktibong sundalo ang hindi pabor sa isinusulong na pagko-contribute nila ng 5 percent mula sa kanilang buwanang sweldo para sa kanilang pensyon.

Ipinaliwanag ng senador, na para sa mga mababang ranggo na sumasahod ng P29,000 kada buwan ay malaki na ang limang porsiyentong  kontribusyon.

Tiniyak naman ni Estrada na bukas siyang muling magsagawa ng pagdinig kung kinakailangan, at nakatakda na rin anya siyang makipagpulong kay Defense Secretary Gilbert Teodoro para pag-usapan ang panukalang sistema. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us