Pinatitiyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi maaantala ang legal services na ibinibigay sa Overseas Filipino Workers (OFWs) habang isinasagawa ang turnover ng OFW component ng assistance-to-nationals (ATN) sa Department of Migrant Workers (DMW) mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) simula sa Hulyo a-uno.
Pinaliwanag ni Villanueva na sa paglilipat na ito ay gagamitin ng DMW ang Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) fund habang ang DFA ATN naman ay popondohan ng hiwalay.
Sa ngayon, nasa P1.082 billion ang AKSYON fund, kung saan kabilang sa mga sakop na serbisyong nakapaloob dito ang legal assistance, medical assistance, repatriation at emergency response sa mga OFW na nangangailangan.
Umaasa ang majority leader na sa pamamagitan ng transition na ito ay maitatatag na ang DMW bilang go-to agency ng mga OFW.
Nais rin ng senador na patuloy na ayusin ng DMW ang mga sistema nito at sanayin ang kanilang mga opisyal at mga tauhan sa pagganap ng kritikal na tungkulin ng ahensya.
Sa ganitong paraan aniya ay tunay nang magkakaroon ng isang bahay ang mga OFW at lalo pa silang mabibigyan ng proteksyon, agarang legal na tulong at iba pang ayuda.| ulat ni Nimfa Asuncion