Kasabay ng paggunita ng Eid’l Adha, pinanawagan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang kooperasyon at healthy competition sa pamamagitan ng pagpapabuti ng halal industry at halal tourism.
Pinunto ni Legarda na sa kabila ng pagpapasa ng Republic Act 10817 o ang Philippine Halal Export Development and Promotion Act ay nahuhuli pa rin ang Pilipinas sa paggawa at pag-certify ng mga halal products.
Pinaalala ng senadora na mandato ito ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) at hanggang ngayon aniya ay hindi pa nagagamit ng ahensya nang buo ang mga oportunidad na bukas sa halal market.
Hinikayat rin ng senate president pro tempore ang lahat ng sangay ng gobyerno na pag-aralan ang mga trend at silipin ang malawak na potensyal ng halal industry.
Dapat aniyang samantalahin ng mga negosyante sa buong bansa ang pagkakataon para mapalawak ang kanilang merkado at makaakit ng malaking bahagi ng turismo.
Aniya, ang pagkakaroon ng halal certification ay makapagpapalawak ng kanilang mga negosyo at hindi lang ito magiging limitado sa mga Muslim.
Bukod sa magiging epekto ng pagpapalago ng halal industry sa ekonomiya ng bansa ay magbubunga rin aniya ito ng inclusivity at makakatibag sa mga social barriers.| ulat ni Nimfa Asuncion