Nagpasalamat si Tourism Secretary Christina Frasco sa mainit na pagtanggap ng publiko sa bagong tourism slogan ng bansa na “Love the Philippines”.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos umani ng positibong reaksyon mula sa mga opisyal ng pamahalaan, mga senador, diplomat, at mga advertising executives ang bagong tourism slogan.
Ayon kay Frasco, pinag-isipang mabuti ang naging pagbuo sa bagong tourism slogan na nakabatay sa resulta ng kanilang naging malawak na market research at pag-aaral.
Dagdag pa ng kalihim, dinisenyo ang bagong tourism slogan upang itampok kung ano ang maaaring mahalin sa Pilipinas. Nilinaw rin ni Frasco na ang pagmamahal ay hindi hinihingi bagkus ito’y bukal sa puso matapos tanungin kung ang bagong slogan ng Pilipinas ay pagde-demand mula sa mga turista.
Sinabi rin ng kalihim na ang nasabing slogan ay ‘love letter’ ng Pilipinas sa mundo na nagbibigay ng oportunidad sa mga turista ng oportunidad na tuklasin at alamin ang Pilipinas nang higit pa sa mga promotion at istorya noong mga nakalipas na panahon. | ulat ni Gab Humilde Villegas
📷: DOT