Iminungkahi ng isang party-list solon na pahintulutan ang mga barangay health worker na magsilbi bilang nurse aides sa mga district hospital na kulang sa mga nurse.
Ito ang inihayag ni BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co sa gitna na rin ng plano ng Department of Health na bumuo ng isang National Nursing Advisory Council (NNAC) upang tugunan ang mga pangangailangan at isyu sa nursing profession.
Ayon kay Co, suportado niya ang panukala ni Health Secretary Ted Herbosa, ngunit habang wala pa ito, maaari aniya na ang mga BHWs at BHERTs na muna ang pumuno sa kakulangan ng nurse sa mga pampublikong ospital.
“The shortage of nurses is especially acute in the provinces where the district hospitals often handle the bulk of referrals from barangay health centers because of their proximity to countryside communities. The BHWs and BHERTs are already part of the public health system. Some of them can serve as nurse aides at the district hospitals and also at the health centers.” saad ng mambabatas.
Maliban dito, umaasa rin ang kinatawan na maipasa na ng Senado ang panukalang Health Emergency Auxiliary Reinforcement Team na makatutulong din aniya para punan ang kakulangan ng healthcare workers sa bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes