Nagsagawa na ng simulation exercise ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina para sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2023.
Ang lokal na pamahalaan ang nakatakdang mag-host sa naturang scholastic multi-sport competition ngayon taon.
Ayon sa Marikina LGU, nasa 1,500 na mga mag-aaral, technical officials, punong-guro, guro, mga opisyal, at mga kawani ng pamahalaang lungsod ang lumahok sa simulation exercise.
Sa simulation exercise nitong weekend, isinagawa at ipinamalas sa aktibidad ang parada mula sa Marikina River Park at palatuntunan sa Freedom Park, na kumakatawan sa Marikina Sports Center kung saan aktwal na isasagawa ang palatuntunan.
Matapos nito ay nagkaroon ng assessment meeting na pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro.
Tagubilin ng alkalde na gawing makulay, masaya, at puno ng sigla ang parada at mga programa para sa Palarong Pambansa 2023.
Binigyan diin din ni Teodoro, na bukod sa mga paghahanda sa programa ay paghandaan din ang ibang aspeto gaya ng pagpapanatili sa kaayusan at kalinisan ng mga playing venue.
Ang Palarong Pambansa 2023 ay bubuksan sa July 31 sa Marikina City. | ulat ni Dinae Lear