Nais ni Anakalusugan Party-list Representative Rey Reyes na taasan ang buwis na ipinapataw sa e-cigarettes at vape products.
Maliban aniya sa makakadagdag ito sa pondo para sa Universal Health Care Law ay mapipigil din nito ang mga kabataan na tangkilikin ang naturang produkto.
Tinukoy ng mambabatas ang pag-aaral ng Global Youth Tobacco Survey noong 2019 kung saan 14.1 percent ng school-aged children ang gumagamit na ng e-cigarettes o kaya ay vape.
“It is very alarming because the GYTS study also showed the Philippines topping the list of countries in Southeast Asia where teen vaping is on the rise. Kailangang protektahan natin ang ating mga kabataan mula sa mga masamang bagay na maaaring idulot ng mga produktong ito,” diin ng mambabatas.
Isa naman sa inaaral ng mambabatas ay ang panukala na itaas ang minimum wage ng mga maaaring gumamit o bumili ng vape products.
Paalala ng kinatawan, na may masama pa ring dulot sa kalusugan ang paggamit ng vape.
“All of these are addictive and pose various health risks. Maybe it is wise to raise the minimum age of purchase for these products,” dagdag ni Reyes.
Noong nakaraang taon nang pagtibayin ang Republic Act 11900 o Vape Law kung saan mula 21-taong gulang ay ibinaba sa 18-taong gulang ang age limit sa paggamit ng vape.
Inalis din nito ang two-flavor limit at inilipat ang regulasyon sa Food and Drug Administration (FDA) mula sa Department of Trade and Industry (DTI). | ulat ni Kathleen Forbes