Mahigpit na binabantayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpasok ng mga dayuhang pumapasok sa bansa lalo na iyong mga nagmula sa China.
Ito’y matapos maitala ng mga awtoridad ang pagkakahuli gayundin ang pagkakasagip sa ilang Chinese national na nagtatrabaho sa ilang POGO company na iligal na nag-ooperate sa bansa.
Ayon kay DFA Office of Consular Affairs Assistant Sec. Henry Bensurto, hindi lahat ng Chinese nationals na nagnanais pumasok sa bansa ay nabibigyan ng tourist visa dahil may ilan sa kanila ang nade-deny.
Ilan aniya sa mga ito ay nagbibigay ng mga peke o kahinahinalang dokumento gayundin ang mga hindi lehitimo ang pagbiyahe sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Bensurto na hindi naman pahirapan ang paga-apply ng tourist visa sa Pilipinas basta’t kumpleto lamang ang mga hinihinging dokumento.
Sa kabila nito, sinabi ni Bensurto na kinakailangan pa ring balansehin ang national security at ang ekonimiya sa pamamagitan ng pagbubukas ng bansa para sa mga turista.| ulat ni Jaymark Dagala