Patuloy na pinag-aaralan pa rin ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang magiging hakbang kaugnay ng panawagan ng ilang senador gaya nina Senator Francis Tolentino at Jinggoy Estrada, na ipagbawal ang pagpapalabas ng pambatang pelikulang “Barbie” sa Pilipinas.
Kasunod na rin ito ng pagpapakita ng “9-dash claim” ng China sa South China Sea sa isang eksena sa pelikula, na para sa mga senador ay paglabag sa soberanya ng Pilipinas.
Ayon kay MTRCB Vice Chair Njel de Mesa, nakatutok na si MTCRB Chair Lala Sotto-Antonio sa naturang usapin na nakikipag-ugnayan na sa iba’t ibang stakeholder ng pelikula.
Kabilang na rito ang Warner Brothers, ang entertainment studio na may hawak sa pelikula.
Paliwanag nito, pinag-aaralan kung ang pagpapakita ba sa 9-dash line ay intensyon talaga ng pelikula o hindi.
Sinabi naman ni De Mesa, na lahat ng anggulo ay ikinukonsidera ng MTRCB kasama na rin ang panawagan ng ilan na patuloy pa rin itong ipalabas lalo’t matagal na inabangan ito sa mga sinehan, at makatutulong rin ito para sa tuloy-tuloy na pagbangon ng mga cinema mula sa epekto ng pandemya. | ulat ni Merry Ann Bastasa