Isinulong ng Senado na madagdag ang siyan na panukalang batas sa common legislative agenda ng administrasyon.
Sa ginawang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kahapon, kabilang sa mga ipinanukala ng senado na maisama sa ituturing na priority bills ang Philippine Defense Industry Development Act (PDIDA), panukalang Cybersecurity Law, at amyenda sa procurement provisions ng AFP Modernization Act — mga bagay na natalakay sa naging working visit ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Washington DC, nitong Hunyo.
Ayon kay Zubiri, ang mga panukalang ito ay mahalaga sa pagpapatatag ng ating sandatahang lakas at sa pagbuo ng self-reliant na defense strategy.
Pinasama rin sa priority bills ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program bill, Batang Magaling bill, Safe Pathways bill, Open Access in Data Transmission bill, Tatak Pinoy bill at ang Blue Economy bill.
Sa naturang LEDAC meeting ay nagbigay rin ang senate president ng update sa priority bills na nakabinbin pa sa senado.
Sa natitira aniyang 35 priority bills ng administrasyon ay siyam ang pending sa second reading.
Habang ang natitirang 26 na panukalang batas ay pending pa sa committee level ng Mataas na Kapulungan, at nakahanda nang i-report sa plenaryo sa pagbabalik sesyon ng senado. | ulat ni Nimfa Asuncion