Pinapanukala ni Senador Jinggoy Estrada na malibre sa pag-aaral ng master’s degree ang mga kawani ng pamahaslaan sa mga state universities and colleges (SUCs).
Sa inihaing Senate Bill 2277 ng Senador, isinusulong na maging libre ang tuition sa mga SUCs ng mga career at non-career employees ng gobyerno na nais makapagtapos ng dalawang taon na masteral program.
Paliwanag ni Estrada, may mahalagang papel sa human resources ng bansa ang mga kawani ng pamahalaan kaya naman importante na mabigyan sila ng oportunidad na maitaas ang kanilang antas ng edukasyon at kasanayan.
Sa pamamagitan aniya ng pagpapahusay ng propesyunalismo ng mga empleyado ng pamahalaan ay mas magiging epektibo ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Pinunto ng mambabatas na sa ngayon ay may ilang mga ahensya na ang nagbibigay ng scholarship grants gaya na lang ng DSWD at Presidential Communications Office (PCO) sa mga kwalipikadong kawani na nagma-masteral.
Ang gastusin sa pagkuha ng masteral degree ay nasa P800 hanggang P1,500 bawat unit o nagkakahalaga ng P19,000 hanggang P50,000 ang tuition para makakumpleto ng 24-unit program bukod pa ang ibang bayarin sa pagtatapos ng nasabing programa.
Nakasaad sa panukalang batas na para maging kwalipikado, ang mga non-career contractual government personnel ay dapat nasa serbisyo ng hindi bababa sa limang taon at pumasa sa entrance examination at iba pang admission at retention requirements ng SUCs.
Ang mga nagawaran na dati ng mga government-sponsored graduate education scholarships sa anumang higher education institution, pampubliko man o pribado, dito o sa ibang bansa ay hindi na kwalipikado.
Bukod dito, ang mga bigong makatapos ng kanilang master’s degree sa loob ng prescribe period ng kanilang graduate education program ay madi-disqualify. | ulat ni Nimfa Asuncion