Kailangan umano ang pagtutulungan ng law enforcement agencies, local government units at ng publiko para sa kapayapaan, kaayusan at ekonomiya sa Negros Oriental.
Ito ang binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa kanyang pagbisita sa lalawigan kahapon.
Sinabi ng kalihim na matapos ang trahedyang nangyari noong Marso nang paslangin si Governor Roel Degamo, gumaganda na ang peace and order situation sa probinsya.
Ito’y dahil sa mga pagsisikap ng law enforcement authorities at patuloy na pagbaba ng bilang ng crime incidents sa lalawigan ayon sa mga datos ng Philippine National Police.
Tiniyak din ng DILG Chief sa publiko na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Degamo at iba pang mga biktima kahit binawi ng ilang akusado sa krimen ang kanilang mga testimonya.
Ipinag-utos din niya sa PNP na tiyaking hindi na mauulit ang mga krimen sa lalawigan tulad ng walang habas na mga pagpatay noong Marso. | ulat ni Rey Ferrer