Nais ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas na magkaroon ng hiwalay at independent na imbestigasyon kaugnay sa pagsasayaw ng isang babae sa Command Conference ng National Bureau of Investigation (NBI).
Aniya, hindi sapat ang ‘sorry’ lang dahil dapat na may managot sa insidente at kung kinakailangan ay magpatupad ng revamp o rigodon.
“Hindi sapat na mag-sorry lang si NBI Chief Medardo De Lemos sa nangyaring sexy dance number matapos ang NBI Command Conference. Dapat may managot. We need an independent and thorough investigation on the matter,” saad ni Brosas.
Nakakadismaya din aniya na NBI pa ang nasangkot sa isyu dahil ito ang ahensya na naatasan para tumugon sa mga kaso ng sexual exploitation ng mga kababaihan at kabataan.
Maghahain si Brosas ng resoluyson para himukin ang House Committee on Women and Gender Equality na siyasatin ang insidente at alamin kung nagamit ba ang pondo ng bayan sa naturang pasayaw.
“Hindi dapat palampasin ang pangyayaring ito. Baka pondo pa nga ng bayan ang ginastos sa palabas na iyon na itinuturing na pang-aliwan ang katawan ng kababaihan. Sa isang five-star hotel pa ginanap,” diin ng lady solon.
Nagpaalala din ito na dapat tumalima ang bawat opisyal at empleyado ng pamahalaan sa ethical standards ng isang civil servant.
“All government agencies and officials must strictly adhere to the code of conduct and ethical standards, and should not in any way condone the explicit objectification of women, most especially during an official function. It is a shame if the NBI would find a way out of the mess by mere apology,” pagtatapos ni Brosas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes