Nanawagan si Senadora Grace Poe sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na agarang aksyunan ang water service interruption na nakakaapekto sa halos 600,000 na customers ng Maynilad Water Services Inc. mula July 12.
Ayon kay Poe, hindi dapat balewalain ang usapin na ito lalo na’t paulit-ulit na.
Giit ng Senate Committee on Public Services chairperson, humahaba din ang oras at dumadami na ang apektado ng water service interruption kaya hindi na ito katanggap-tanggap.
Aniya, dapat tukuyin ng MWSS kung ang water utilities gaya ng Maynilad ay nakakasunod sa kanilang obligasyon base sa kanilang prangkisa.
Binigyang-diin ng senadora na dapat ay naging proactive ang Maynilad at agad na nag-invest sa pagpapatayo ng mga imprastraktura para naiwasang humantong sa pagbabawas ng suplay ng tubig sa mga customer nito.
Hindi aniya basta lang dapat umasa sa lakas ng ulan at sa lebel ng tubig sa Angat Dam.
Ipinunto pa ng mambabatas na ang isang seryosong obligasyon ang makapagbigay ng episyenteng serbisyo ang mga concessionaire.
Kasabay nito, muling binigyang diin ni Poe ang kahalagahan ng pagtatayo ng isang Department of Water Resources para mapagtuunan ng pansin ang water use, management, at sources. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion