Walang patid ang clearing operations na isinasagawa ng Department of Transportation (DOTr) para sa konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project.
Pinangunahan ng Philippine National Railways (PNR) ang clearing operations sa Barangay Tanyag, Purok 7, sa Taguig City nitong Biyernes.
Ayon sa DOTr, ito ay bahagi ng paghahanda sa tuloy-tuloy na konstruksyon ng makabago at modernong train system na bahagi ng NSCR Project.
Ang 147-kilometrong rail system ay mayroong 35 istasyon.
Oras na matapos ang proyekto, magiging dalawang oras na lamang ang biyahe mula at patungong Clark, Pampanga at Calamba, Laguna.
Inaasahan din na nasa humigit 600,000 pasahero kada araw ang maseserbisyuhan ng NSCR Project. | ulat ni Diane Lear