Patubig ng Magat dam, todo nang tinitipid; Rotational scheduling, ipinapatupad na sa harap ng pagdat ng El Niño

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tinodo pa ngayon ng National Irrigation Administration – Magat Reservoir Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang pagtitipid sa pinapakawalang tubig mula sa Magat Dam, bilang paghahanda sa epekto ng El Niño.

Ayon kay Engineering and Operation Division Acting Manager Engr. Roldan Bermudez, nitong Hulyo ay itinaas pa nila sa hanggang 25% ang ibinawas sa patubig, o ito ay 112m³/s mula sa 150m³/s na average nitong nakaraang buwan.

Ayon kay Bermudez, bumababa na rin kasi ngayon ang antas ng tubig sa dam, na nasa mahigit 164 meters above sea level (masl) na.

Kung walang gaanong pag-uulan at aabot pa ito ng hanggang 160 masl o critical level na ng dam, posibleng mahihirapang mapatubigan, aniya, ang ilan sa kanilang service area, partikular na sa tatlong bayan sa lalawigan ng Quirino, at sa bahagi ng Cordon at Santiago, sa Isabela.

Bahagi ito, aniya, ng pinapatubigan ng Baligatan Diversion Dam na may sakop ng 11,000 ektarya, na kanila naman ngayong sinisikap na isalba.

Para rin sasapat ang suplay ng dam, rotational scheduling ang kanilang pagpapatubig ngayon, kung saan tig-tatlong araw ang inilalaan sa upstream at downstream ng dam.

Kaugnay nito ay puspusan naman ang kanilang Information Education and Communication Campaign o pakikipagdayalogo sa mga magsasaka, sa pamamagitan ng mga irrigator’s association, para mas maipaintindi ang kanilang naging hakbang.

Daan din ito, aniya, para maipakilala ang iba pang alternatibo, gaya na lamang ng Alternate Wetting and Drying o ang water-saving technology na ipinapakilala ng Philippine Rice Research Institute.| ulat ni April Jane Salucon-Racho| RP1 Tuguegarao

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us