Nagsagawa ng pagpupulong ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at World Bank.
Layon nitong matalakay ang iba’t ibang update sa implementasyon ng Component 2 ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1.
Pinangunahan ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ang nasabing pulong kung saan kabilang sa mga napag-usapan ang status ng mga ipinatutupad na programa at proyekto na nakatuon sa pagbabawas ng mga solid waste sa mga daluyang tubig gaya ng mga kanal at estero.
Kabilang din sa naging diskusyon ang mga plano ng ahensiya para mabawasan ang baha sa Kamaynilaan tulad ng pagsasaayos pa ng mga pumping stations, pagpapalawig ng mga existing projects gaya ng Mobile Materials Recovery Facility at Community Composting gamit ang Takakura Method, at ang pagbuo ng 50-Year Metro Manila Drainage Master Plan.
Target ng MMDA na pataasin pa ang ibinigay ng World Bank na satisfactory rating para sa pagpapatupad ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1.| ulat ni Diane Lear