Nakatakdang i-convert ng Philippine Red Cross (PRC) ang mga equipment sa molecular laboratories nito upang palakasin ang kanilang blood facilities.
Ang naturang molecular laboratories ay itinayo ng PRC bilang tugon sa COVID-19 pandemic kung saan nagbigay ito ng murang RT-PCR swab at saliva test service sa mga Pilipino.
Ayon kay PRC chairman at CEO Dick Gordon, karamihan sa mga Pilipino ngayon ay nabakunahan na kontra COVID-19 kaya mababa na rin ang bilang ng mga nahahawa sa sakit at nangangailangan ng swab at saliva test.
Ililipat ng PRC ang mga kagamitan at sasakyan mula sa 14 na molecular laboratories nito sa 107 na blood facilities sa buong bansa upang palakasin ang blood collection at dispensing services ng organisasyon.
Binigyang diin din ni Gordon ang pangangailangan na palakasin ang kanilang blood centers upang matugunan ang mataas na demand sa dugo dahil sa tumataas na kaso ng dengue sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Health, nasa 60,000 na kaso ng dengue ang naitala simula January hanggang June 2023. Ito ay mas mataas ng 17% kumpara noong 2022. | ulat ni Diane Lear