Patuloy ang koordinasyon ng Philippine Air Force (PAF) sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) Water Resources Management Division para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations.
Ito ang sinabi ni PAF Spokesperson, Col. Bon Castillo kaugnay ng posibleng kakapusan ng suplay ng tubig dahil sa pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat reservoir dulot ng El Niño.
Bahagi aniya ito ng pakikiisa ng PAF sa “Whole of Nation Approach” sa pagtugon sa epekto ng matinding tagtuyot sa bansa.
Ayon kay Castillo, noong nakaraang taon ay ilang beses na rin silang nagsagawa ng cloud seeding operations.
Sinabi ni Castillo na kasalukuyang naka-standby ang kanilang mga LC210 at NOMAD 22 aircraft para magsagawa ng cloud seeding operations sa iba’t ibang dam sa bansa. | ulat ni Leo Sarne