Pinatitiyak ni AGRI Partylist Representative Wilbert Lee na mabibigyan ng sapat na suporta ang mga magsasaka upang hindi mauwi sa pagbebenta ng lupang in-award ng gobyerno sa kanila.
Ang panawagan ni Lee ay tugon sa pangamba ng ilang grupo na baka ibenta lang ng mga agrarian reform beneficiary ang kanilang lupa, matapos maisabatas ang RA 11953 o New Agrarian Emancipation Act.
Kasabay ng pagbura sa pagkakautang ng nasa higit 600,000 ARBs ay ipinamahagi rin ang nasa mahigit 32,000 na Certificate of Land Ownership.
“Naiintindihan natin ang pangamba ng ating mga civil society organizations (CSOs), ngunit bilang principal author ng New Agrarian Emancipation Act, nais kong klaruhin na ang layunin ng batas na ito ay bigyan ng sapat na suporta ang ating mga magsasaka para ang pagsasaka ay maging kumikitang kabuhayan para sa kanila, nang sa gayon ay hindi sila mamuhay na isang kahig, isang tuka,” saad ni Lee.
Punto ng kinatawan, kung maipatutupad ng tama ang batas ay hindi mangyayari ang mga kinatatakutan ng civil society partners.
Kaya aniya mahalaga na bigyang suporta at tulungan ang mga magsasaka upang mapaunlad nila ang kanilang hanapbuhay.
“If our farmers are made to realize that farming is a profitable enterprise and they can make a decent living out of farming, then they would not be tempted to sell off the land that have been given to them. That is why aside from condonation, the New Agrarian Emancipation Act also provides that ARBs who have completed payment of their amortizations shall be given preference to credit facilities and support services,” dagdag ng mambabatas.
Salig sa RA 11953 bibigyang access ang mga ARB sa iba’t ibang suporta na ipinagkakaloob ng Department of Agriculture at iba pang ahensya sa mga magsasaka. | ulat ni Kathleen Jean Forbes