Pinaplano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Water Resources Management Office (WRMO) na magbigay ng incentive sa mga ahensya ng pamahalaan na masinop sa pagkonsumo ng tubig ngayong may banta ng El Niño sa bansa.
Ayon kay DENR Undersecretary Carlos Primo David, isa ito sa mga istratehiyang ikinokonsidera ng ahensya para mahikayat ang government agencies na makiisa sa pagtitipid ng tubig.
Sa tala kase ng DENR, umaabot sa halos ₱15-million ang water bill kada buwan ng nasa 20 hanggang 30 government offices na maaaring dahil sa tagas sa kanilang mga tubo.
Kasama sa pinag-aaralan ngayon ng WRMO ang posibilidad na magkaroon ito ng kolaborasyon sa Department of Budget and Management para makapagpatupad ng incentive system.
Maaari aniyang gamitin ng mga government offices ang matatanggap na insentibo bilang savings na magagamit bilang karagdagang pondo.
Sa ngayon, pinaiigting naman ng WRMO ang kampanya nito para mapawalak ang kampanya sa water conservation measures sa inilabas na guidelines sa lahat ng government offices.
Kaugnay nito, hinimok na rin ng pamahalaan maging ang mga pribadong kumpanya na maging responsable sa pagkonsumo ng tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa