Paiigtingin pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang pagtugis kina dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag gayundin sa dating Deputy Security Officer nitong si Ricardo Zulueta.
Ito ang inihayag ng bagong NCRPO Director, P/Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. makaraang ihayag nito na bumuo na sila ng isang tracker team para sa pagpapatuloy ng manhunt operations laban sa dalawa.
Ayon kay Nartatez, kailangang harapin nila Bantag at Zulueta ang kanilang pananagutan sa batas sa pamamagitan ng mga kasong isinampa laban sa kanila.
Magugunitang nag-alok ang Department of Justice (DOJ) ng dalawang milyong piso na pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Bantag habang isang milyong piso naman kay Zulueta.
Sina Bantag at Zulueta ang itinuturong nasa likod sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid gayundin sa itinuturong middleman sa kaso na si Cristito Villamor Palaña. | ulat ni Jaymark Dagala